Tuesday, May 14, 2013

An Open Letter to my Christian Family and Friends

My "coming out" letter explaining why I'm not a Christian anymore


It was last year when I listened to a podcast of The Thinking Atheist entitled: My "Coming Out" Letter. And for a very long time, I had planned to make my own letter. After nearly a year of struggling with my faith and reason, I just felt that the best way for people to understand my position is for them to read it in a detailed way. Treating this as a conclusion of a long and hard conquest for truth, I finally made my letter yesterday. I want to share this to the freethinking community to help closeted atheists tell people their worldview, the same way the podcast above helped me. I haven't showed this to my parents and my closest friends, and if they somehow stumble across this blog, then so be it! Read it, and I hope you'll understand. Here it is, fresh from yesterday, unaltered and untranslated.

__________________________________________________________________________________
Sa aking mga magulang, kamag-anak, at mga kaibigang nagmamalasakit,

Ginawa ko ang sulat na ito para maiwasan ang mga debate, away, at di-pagkakaintindihan. Napakinggan ko sa isang radio podcast na ang pagsusulat ay nakakatulong sa pag-oorganize ng kaisipan, at nagsisilbi din itong therapy para makabawas ng bigat ng kalooban. Hindi ko ginagawa ang sulat na ito para magsimula ng diskusyon: nagsusulat ako para maunawaan ninyo ang mga reasons ko kung bakit naging iba na ang pananaw ko sa buhay. Sana pagkatapos ninyong basahin ito ay maging malinaw na ang posisyon ko, at maging daan ito para marespeto ninyo ang desisyon kong maging isang atheist.

Isa na akong ateista. Hindi na ako naniniwala sa kahit anong diyos. Hindi po ako nagrerebelde, hindi ako galit sa kung sino man. Wala akong tinatakasan, o iniinsulto, o minamaliit, o niyayabangan, wala lahat iyan. Hindi na ako naniniwala dahil tinubuan ako ng pakialam upang pag-aralan at pag-isipan kung totoo ba talaga ang diyos na pinaniniwalaan ko. At sa pag-aaral ko na iyan ay naconclude ko na: hindi na makatotohanan ang aking paniniwala at niloloko ko na ang sarili ko kung itutuloy ko pa ang paniniwala. Sana ay maintindihan nyo ito. Hindi ako makatiis na maniwala na lang habang sinasabi ng utak at puso ko na isang malaking kalokohan na ang lahat ng tinuro sa akin ng relihiyon.

Isa sa mga dahilan ng pagtalikod ko sa relihiyon ay ang tanong na ito: "bakit ako isang kristiyano?" Simula nung pagkabata ko, hindi pumasok  sa isip ko ang ganyang klaseng tanong. Ngayon, nalaman ko na wala pala akong matinong sagot para sa tanong na iyan. Bakit ako isang kristiyano? Unang obvious na sagot - dahil pinalaki ako ng magulang ko na maging kristiyano!

Mula nung grade 1 hanggang highschool, iyan ang tanging dahilan ng aking paniniwala. Dahil mahal ko ang mga magulang ko at ako'y bata pa nuon, sinunod ko ang turo nila, at pati na rin ang turo ng simbahan. Ang akala ko dati, puro kabutihan ang nasa kristiyanismo at puro kasamaan ang nasa ibang relihiyon. Ang akala ko ay perpekto ang bibliya at perpekto ang sinasamba kong diyos. Matinding mga pagkakamali pala itong mga pag-aakala kong ito.

Nuong pagtuntong ko sa college, nagbago na ang atmosphere. Pumasok na ang sekularismo, free-thinking, at skepticism sa aking sistema. Marami akong nabasang libro na nagchallenge sa aking paniniwala. First time kong tinanong--bakit ako kristiyano? Dahil lang ba lumaki ako sa isang kristiyanong pamilya? Kaya ko bang depensahan ang paniniwala ko? Kung sa India ba ako lumaki, hindu ba dapat ako ngayon? Yan ang mga tanong na bumagabag sa akin dati. At for the first time, nakita ko ang unfairness ng relihiyon. Naisip ko na kung tama ang kristiyanismo, kami ang maliligtas habang mapupunta sa impyerno ang mga taong mababait pero iba ang paniniwala? Magdurusa ang marami dahil lang sa ibang lugar sila pinanganak at iba ang kanilang paniniwala?

Duon ko napagdesisyunan na mag-iba ng relihiyon. 2nd year college nung tinawag ko ang sarili ko bilang isang "pagan deist" - ako ay naniniwala na merong iisang diyos, at kahit ano pa ang relihiyon mo, itong diyos na ito ang sinasamba mo. Hindi na ako naniniwala sa impiyerno, dahil napangitan ako sa concept na iyon. Nagdadasal pa rin ako nuon, pero hindi na nagsisimba o nagbabasa ng bibliya. So, iniba ko ang tanong ko: bakit ko kailangang maniwala sa diyos?Ang naging sagot ko - dahil kailangan.

Pero nuong 4th year ako, na-challenge ulit ang paniniwala ko in the form of a christian friend. Siya ang nagturo sa akin ng tunay na ibig sabihin ng kristiyanismo. Maraming debate at pag-uusap bago ako ulit nakumbinsi na maging kristiyano ulit. Bakit bumalik ako sa kristiyanismo? Dahil sa FAITH na si Jesus ang nagbayad sa aking kasalanan. Tama, faith ang aking dahilan.

Napakasaya ko nuong 4th year ako. Tumino ako sa ugali at pag-aaral, marami akong nakilalang mga kaibigan, at nagkaroon ng bagong purpose ang buhay ko: ang i-glorify ang pangalan ng panginoong diyos. From that point on, nasabi at natawag ko na sa wakas ang sarili kong "tunay" na kristiyano. Araw-araw nagdadasal at nagde-devotion, nagpa-participate sa church activities, nagse-share ng word of god sa mga kaibigan ko, at masusing nag-aaral ng bibliya. Hindi ko inaakalang sa pag-aaral ko ng bibliya GUGUHO ng matindi ang aking iniingatang FAITH.

Nagsimula ang lahat nuong nakadiskubre ako ng isang contradiction sa bibliya: yung "anointing of Jesus" na story. Kada gospel ay may kanya - kanyang bersyon ng istoryang ito. Nagulat ako at nagtaka nung nalaman ko na wala palang nakakaalam ng tunay na nagsulat ng mga gospels!  Hindi ako makapaniwala, ang "perpektong" bible, may kontradiksyon sa loob, at hanggang "traditional agreements" lang sila sa authorship ng bibliya!

Marami akong tinanong tungkol dito. Walang nakapagbigay ng sagot. At halos iisa lamang ang advice nila - FAITH. Faith lang ng faith. Well, sa loob lang pala ng dalawang buwan mababasag itong faith na ito.

Summer vacation, nag-OJT ako. Nagkaroon ako ng free time sa gabi para sa aking libangan - internet. Habang nagsesearch ako sa youtube, nakadiskubre ako ng mga videos ng "The Atheist Experience." Ito ay isang radio show na nag-iinvite sa mga callers na tumawag at iexplain ang kanilang argumento para depensahan ang kanilang paniniwala sa diyos. Laking gulat at takot ko nung pinanood ko na isa-isang winawasak ng mga host ang mga argumento ng mga kristiyano. Nanghina ako nuong nalaman ko na ang mga dahilan ko pala sa paniniwala ko sa diyos ay ILLOGICAL at MALI. Para akong pinepwersa na buksan ang mga mata kong matagal nang nakasara. At sa loob ng dalawang buwang pakikinig sa mga interviews, debates, at opinions, NABASAG nito ang faith ko sa bibliya.

By the time na naging 5th year ako, dalawa ang nasa isip ko: 1) Ang bible ay hindi perpekto at hindi dapat pagkatiwalaan, at 2) Hindi na sapat ang faith para ako ay maniwala. Simpleng logic, kung may mali sa iisang parte ng libro, paano mo pa pagkakatiwalaan ang buong librong iyon? Paano mo masasabing "perpekto" ang isang libro kung nakakita ka ng mali dito? Paano mo gagawing ebidensya ang "faith" sa paniniwala mo sa diyos kung ang ibig sabihin ng faith ay "paniniwala kahit walang ebidensya"?

 Lahat iyan binalak kong diskubrehin noong 5th year na ako. Duon na simulang bumagsak ang lahat. Kinwestiyon ko ang bibliya na syang pundasyon ng aking christian faith, ayun, lahat na ay tumumba, including the concept of god's existence. Malinaw sa akin na MORE THAN FAITH na ang kailangan ko para madepensahan ang existence ng diyos, at pilit ko itong hinahanapan ng depensa.Pero lahat ng argumentong nabasa ko para patunayan ang diyos ay MALI. Hindi makatotohanan. Illogical. Wala sa tamang rason. Puro excuses lang. Mahirap mang tanggapin, pero talagang wala na akong makitang solid na ebidensya na may diyos. At dahil doon, nagsimula nang mawalan ng kaayusan ang buhay ko.

Bumaba ang grades ko, bumagsak ako sa mga subjects ko, lagi nang malalim ang iniisip ko, nawalan na ako ng pakialam sa mga libangan ko. Malungkot pala kapag yung paniniwalang matagal mo nang pinanghahawakan, ay madidiskubre mong mali pala. Gusto kong balikan ang masayang buhay ko bilamg isang kristiyano pero hindi na nito matatanggal ang pagdududa at mga katanungang walang makasagot. At pagtuntong ng 2013, tinanggap at niyakap ko na ang pagiging ateista.

Noong una ay natatakot pa akong tawagin ang sarili ko bilang atheist. Sigurado, maraming magtataka, magagalit, at magtatanong. Pero habang pinag-aaralan ko ang posisyon ng ateismo, nalaman ko na mas reasonable, mas honest, mas refreshing, at mas meaningful ang buhay na walang diyos at relihiyon. At sa kadahilanang ito ay biglang kong itinuon ang buhay ko sa science at logic, at for the first time, biglang bumuka ang mga mata ko sa mga bagay na pinili kong maging ignorante dati. At ngayon, sasabihin ko na sa inyo kung bakit ayaw ko nang maging isang kristiyano.

Unang-una, ayaw ko nang maging kristiyano dahil ayaw ko nang maging ignorante at sinungaling sa sarili ko. Sa mga nakita kong kamalian, kontradiksyon, at immorality sa bible, matinding panloloko na sa sarili ko ang kelangan para maging kristiyano ako. Maraming aspeto ng science ang hindi ko mapag-aaralan ng tapat kung kristiyano pa ako. Maraming nagsasabi na arogante daw kaming mga ateista dahil gusto naming malaman ang lahat at gusto naming maging diyos. Kalokohan iyan. Hindi namin gustong maging diyos dahil tanggap namin ang sarili naming imperfections, at ang kagustuhan naming matuto ay para sa progress ng mundo. Kaya tayo may teknolohiya ngayon dahil sa mga scientist na kahit inaaway sila ng simbahan, patuloy silang nagdidiskubre ng mga bagay na makakatulong sa sangkatauhan. At isa pa, hindi ba't mas arogante ang mga kristiyanong nagsasabi na meron silang "personal relationship" sa creator ng universe? Habang kami itong mga atheist na naniniwala na tayo'y tao lamang na may limitadong talino at buhay, at kahit mawala tayo, walang magbabago sa kalawakan.

Pangalawa, ayaw ko nang ibase ang aking moralidad at meaning sa bibliya at kristiyanismo. Dahil narealize ko na bawat kultura at relihiyon ay may kanya-kanyang opinyon tungkol sa moralidad, at walang karapatan ang sinumang kultura na pwersahin ang kapwa na sumunod sa kanilang paniniwala. Pero, sa bawat maunlad na sibilisasyon at kultura, merong "common factor" ang ang lahat ng moralidad nila, at iyon ang morality na galing sa humanitarianism. Ang morality na nakabase sa well-being at survival ng lahat ng tao, at sa pag-unlad ng society. Kung lahat ng tao ay may ganyang morality, hindi na kailangan ng diyos at relihiyon. Dahil anumang morality na galing sa relihiyon ay DELIKADO. Matatawag mo bang moral at mabuti ang diyos na naglulunod ng milyong-milyong tao, o pumapatay ng mga inosenteng bata, at nag-uutos sa magulang na magsakripisyo ng sariling anak? Kung ako ang tatanungin, hindi diyos iyan kundi halimaw. Kayang kaya po nating maging mabuti kahit walang diyos na nag-uutos. Nabubuhay tayo sa mundong ito para ipagpatuloy ang nasimulang progress at kabutihan ng ating mga ninuno. Gumagawa tayo ng mabuti, hindi para pasayahin ang diyos, kundi para sa survival ng ating tinitirhang mundo. At para sa akin, ito ang tunay na meaning ng life.

At panghuli, ayaw ko nang maging kristiyano dahil sobrang imposible at hindi na ito makatotohanan. Kung tunay nga na ang diyos ay all-powerful, all-knowing, at all-good, bakit nya hinahayaang magkaroon ng patayan, rape, mga sanggol na namamatay, mga disaster at sakunang pumapatay ng mabubuting tao, at iba pa? Mahirap na sa akin ang maniwala na merong mabuting diyos na makapangyarihan at nanonood na lang ito habang may batang nire-rape sa damuhan, o batang minomolestiya ng mga pari. Hindi ko na kayang magdasal at magpasalamat sa pagkaing kinakain ko habang alam kong marami ang namamatay sa gutom sa Africa. Marami ang nagsasabi na dahil sa kanyang "gift" na free-will kaya di sya nakikialam. KALOKOHAN. Kung kaya ng diyos na magpatigil ng bagyo, magpaulan ng "manna", at magtaboy ng demonyo, bakit hindi nya ito ginagawa ngayon? Sya ay all-powerful, kaya nyang gumawa ng mundong may free-will pero walang evil - bakit hindi nya ito ginagawa? Para sa akin, kung sya talaga ay makapangyarihan, dapat ay matagal na nyang natalo ang kasamaan. Sabi ng iba, hindi ko daw dapat diktahan ang diyos kung ano ang dapat nyang gawin. KALOKOHAN. Kung ako ang diyos, hindi ko hahayaang humantong sa ganitong estado ang mundo. At isa pa, kung binigyan ako ng diyos ng kakayahang mag-isip, tapos pagbabawalan nya akong gamitin ito sa kanya? Kalokohan talaga eh.

Oo, mukhang mayabang ang sulat na ito, pero pasensya na, hindi maiiwasan eh. Kung may mali sa isang bagay, karapatan ng bawat tao na punahin ito at itama. Malinaw na may mali sa kristiyanismo. Sinusubukan ko lang itong intindihin. At ang aking kongklusyon: tayong lahat ay mas moral, mas mabuti, at mas matalino pa kesa sa taong gumawa ng diyos ng bibliya, at kailangan lang natin itong ma-realize.

Pasensya na kung nagmumukha na akong mayabang. Hindi ko intensyon ang mang-insulto, hindi ko rin intensyon ang mangwasak ng pananampalataya. Ito ay isang honest na sulat at sinulat ko lang ang mga justifications ko sa aking hindi paniniwala. Hindi ko habol ang debate, conversion, o kung ano man. Dalawa lang po ang hinihiling ko: RESPECT AND ACCEPTANCE. At sana, ang sulat na ito ay maging gabay para respetuhin at tanggapin ninyo ang desisyon kong maging isang tapat at mabuting ateista. Tandaan, respeto sa tao ang kailangan, at hindi respeto sa paniniwala.

Salamat sa pang-uunawa,

Jemuel Mararac
___________________________________________________________________________________

Yeah, it's a long letter. Deal with it :)

0 comments:

Post a Comment